4 PERYANTES, 3 BATA SUGATAN SA AKSIDENTE SA QUEZON

QUEZON – Sugatan ang pitong magkakapamilya, kabilang ang tatlong bata, matapos na ang bangkulong na tricycle na sinasakyan ng mga ito ay makasalpukan ng kasalubong na truck sa Maharlika Highway, Brgy. Tanauan, sa bayan ng Plaridel sa lalawigang ito, noong Linggo ng hapon.

Ayon sa report ng Plaridel Police, galing sa pagtitinda sa perya sa piyestahan sa bayan ng Tagkawayan ang mga biktima at pauwi sa Muntinlupa City nang mangyari ang aksidente dakong alas 4:00 ng hapon.

Nabatid sa imbestigasyon, nag-overtake umano ang driver ng naaksidenteng tricycle sa kasama nilang isa pang tricycle subalit dahil nasa kurbadang bahagi ng highway ay hindi nito nakita kaagad ang kasalubong na elf tuck.

Pinilit naman itong iwasan ng driver ng truck na si Elmer Moralde, 59, na nagpreno at lumihis pakanan ng kalsada subalit nasabitan pa rin ang tricycle.

Bunsod nito, tumilapon sa kalsada ang mga biktima na nagdulot ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Kabilang sa mga nasugatan ang 31-anyos na driver ng tricycle na si Michael Lobtoco at anak nito na 4- buwang gulang na sanggol na lalaki, ganoon din ang isang 4-anyos na batang lalaki at isang 11-anyos na batang babae.

Sugatan din sina Joy Delacalsada, 33; Herniña Delacalsada, 55, at Federico Delacalsada, 60-anyos, pawang isinugod sa pagamutan. (NILOU DEL CARMEN)

37

Related posts

Leave a Comment