4 SUNDALO PATAY SA AMBUSH

MAGUINDANAO DEL SUR – Apat na kasapi ng Philippine Army ang namatay sa pananambang ng mga miyembro ng teroristang Dawlah Islamiya group sa Barangay Tuayan 1, sa Datu Hoffer sa lalawigan noong Linggo ng umaga.

Sa inisyal na report, galing sa pamimili ng supplies ang mga sundalo at pauwi na sa kanilang kampo sakay ng mini pick-up truck nang pagbabarilin sila ng armadong kalalakihan sa highway dakong alas-9:00 ng umaga.

Kinumpirma nina Major Gen. Alex Rillera, commander ng 6th Infantry Division, at Bangsamoro Regional Police director, Brig. Gen. Allan Nobleza ang insidente na nagresulta sa pagkamatay nina Pvt. Marvin Dumaguing, Pvt. Jessie James Corpuz, Pfc. Carl Araña, at Cpl. Creszaldy Espertero.

Magkasama sa isang sasakyan ang apat na mga sundalo, kasama ang iba pang mga ka-tropa sa 40th IB na sakop ng 6th ID, patungo sa kanilang company command post, nang sila ay tambangan ng mga teroristang Dawlah Islamiya na nakaabang sa gilid ng kalye sa isang liblib na bahagi ng highway.

Agad na tumakas ang mga terorista nang makita ng mga ito na may paparating na mga pulis at sundalo na nagresponde sa insidente.

Ayon sa mga residente ng Datu Hoffer, posibleng ganti ng mga terorista ang pag-ambush sa Barangay Tuayan, sa pagpatay ng mga sundalo sa 11 miyembro ng Dawlah Islamiya sa isang engkwentro noong Nobyembre

2023 sa isang bulubunduking lugar sa naturan ding barangay.

(NILOU DEL CARMEN)

55

Related posts

Leave a Comment