4 TRABAHADOR NAKURYENTE, 1 PATAY, 3 SUGATAN

QUEZON – Isa ang  patay habang tatlo ang sugatan matapos makuryente habang naglalagay ng poste  ng  solar lights sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Talisay, sa bayan ng Tiaong sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktimang si Christian Caalaman, residente ng Lucena City, dahil sa mga pinsala sa ulo at katawan.

Nalapnos naman ang ilang bahagi ng katawan ng tatlo pang mga biktimang sina Arnel Dela Cruz, 42, kapatid nitong si  Ronel Dela Cruz , 34, at Jomel Benuza, 23, pawang taga Lopez, Quezon.

Base sa imbestigasyon ng Tiaong Police, itinatayo ng mga ito ang bakal na poste nang aksidenteng sumabit  ang dulo nito sa high tension wire ng Meralco.

Dahil dito, gumapang ang mataas na boltahe ng kuryente patungo sa mga biktima.

Agad isinugod sa ospital ang mga ito subalit agad binawian ng buhay si Caalaman. Inoobserbahan naman sa pagamutan ang tatlo pang mga biktima.

Ang mga biktima ay mga tauhan ng isang sub-contractor company ng Meralco.

Nangako naman ang pamunuan ng kanilang agency na sasagutin ang mga gastusin sa ospital ng tatlong sugatan at sa pagpapalibing at benepisyo ng biktimang binawian ng buhay. (NILOU DEL CARMEN)

23

Related posts

Leave a Comment