4Ps BENEFICIARIES TURUANG MAGHANAPBUHAY

SA halip na sanayin laging nakaabang sa buwanang ayuda mula sa gobyerno, mas angkop na turuan maghanapbuhay ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sa pagdinig ng House Committee on Poverty Alleviation, target ng House Bills 2422 at 4366 (na kapwa nagsusulong na amyendahan ang Republic Act 11310) na gawing bahagi ng 4Ps ang isang mekanismong pagbibigay kaalaman at gabay sa mga benepisyaryo sa larangan ng kabuhayan.

Kabilang sa isinusulong na pagbabago sa RA 11310 ang probisyong nagtutulak sa mga benepisyaryo na sumailalim sa iba’t ibang livelihood seminars bilang paghahanda sa mas magandang kinabukasan.

Sa sandaling makakuha ng sapat na kaalaman sa kabuhayan, target ng amyenda na bigyan naman ng karampatang “access” ang 4Ps beneficiaries sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa ilalim ng umiiral na batas na lumikha ng programang 4Ps, may nakalaang pondo ang pamahalaan para matustusan ang buwanang subsidiya sa milyon-milyong pobreng benepisyaryo sa kondisyong may mga anak na pinag-aaral sa elementarya at sekondarya.

Layon din ng 4Ps na pangalagaan ang kalusugan, hindi lamang ang mga bata kundi ang kanilang magulang.

Batay sa mga datos na kalakip ng naturang panukala, malaking bahagi ng mga pamilyang tumatanggap ng buwanang ayuda ay wala nang paghuhugutan pagkatapos maka-graduate sa programa ng gobyerno. (BERNARD TAGUINOD)

152

Related posts

Leave a Comment