50 PAMILYA APEKTADO SA 3 SUNOG SA CAVITE

CAVITE – Tinatayang mahigit sa limampung pamilya ang naapektuhan nang masunog ang isang residential apartment at residential house gayundin ang isang garment warehouse sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigang ito, noong Huwebes.

Ayon sa ulat, dakong alas-7:05 noong Huwebes ng umaga nang nasunog ang isang tatlong palapag na residential apartment sa 171 2nd St., Sto Niño 3, Bacoor City, Cavite na pagmamay-ari ng isang Fernando Tan.

Dakong alas-7:13 ng umaga nang ideklarang 1st alarm at fire under control dakong alas-7:33 ng umaga ang sunog habang mahigit sampung fire truck ang nagresponde sa lugar.

Mahigit 50 pamilya ang naapektuhan sa nasabing sunog habang inaalam pa kung ano ang pinagmulan ng apoy.

Dumanas naman ng 2nd degree burns si Roselyn Atanasio, 43, nang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Danny Reyes St., Niog 2, Bacoor City, Cavite na pagmamay-ari ng isang Raymund Ordonez.

Nagsimula ang sunog dakong alas-6:00 ng gabi noong Huwebes sa bahay ni Ordonez at idineklarang 1st alarm ngunit pagsapit ng alas-6:34 ng gabi ay idineklarang fire-out. Inaalam pa kung ano ang pinagmulan ng sunog.

Nilamon naman ng apoy ang isang garment warehouse sa 473 Kalayaan Road, Brgy. Magdalo-Potol, Kawit, Cavite na nagsimula dakong alas-10:20 ng gabi noong Huwebes at umabot sa1st alarm dakong alas-10:27 ng gabi.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), mabilis na lumagablab ang apoy dahil garments at combustible materials ang laman nito, na umabot sa 2nd alarm dakong alas-10:29 ng gabi at fire under control dakong ala-1:12 nitong Biyernes ng madaling araw. (SIGFRED ADSUARA)

11

Related posts

Leave a Comment