6 TULAK TIMBOG SA 2 BUY-BUST OPS SA MAYNILA

ARESTADO ang anim na hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa ikinasang magkasunod na buy-bust operation ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) at Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Manila Police District, Sta. Ana Police Station 6, nitong madaling araw ng Huwebes sa Tondo at Sta. Ana, Manila.

Unang nagkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ni Police Lieutenant Colonel Jorge Meneses ng DDEU, bandang alas-12:20 ng madaling araw sa panulukan ng Hermosa at Pilar Streets sa Tondo kung saan natimbog ang tatlo katao at nakumpiska ang 3.80 gramo ng umano’y shabu na na may street value na P25,800.

Dakong alas-3:00 naman ng madaling araw nang magsagawa ng anti-drug operation ang mga tauhan ni Police Lieutenant Colonel Orlando Mirando Jr. ng MPD station 6, at nabuslo ang target ng operasyon na kinilalang si Bernard Capistrano at dalawa nitong umano’y mga kasabwat, sa Road, 8 Fabie Estate, malapit sa panulukan ng Road 14 sakop ng Barangay 787, Zone 86 sa Sta. Ana. (RENE CRISOSTOMO)

126

Related posts

Leave a Comment