7 SUNDALONG SUGATAN SA SAGUPAAN, PINARANGALAN

PITONG miyembro ng Philippine Army na nasugatan sa madugong engkwentro sa pagitan ng ng mga tropa ng pamahalaan at mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) noong Lunes, ang pinarangalan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Pinangunahan ni Major General Alex S. Rillera, commander ng 6th Infantry Division/Joint Task Force Central, ang paggawad ng mga medalya sa pitong sundalong nasugatan.

Isinagawa ang seremonya sa Camp Siongco Station Hospital sa Headquarters ng 6th Infantry Division, Camp Siongco, Awang, DOS, Maguindanao del Norte kung saan naka-confine ang mga sundalo at nagpapagaling.

Ang mga nakatanggap ng medalya ay sina 2nd Lt. Knigle A. Bastian, Sgt. Oliver F. Lanestosa, PFC Gerald B. Alawin, PFC Michael Composo, Pvt. Jay-R T. Alocada, pawang miyembro ng 1st Scout Ranger Battalion; PFC Jereco A. Watil ng 92nd Infantry Battalion, at SSg. Rold O. Romualdo ng 99th Infantry Battalion.

Bukod sa medalya, nagbigay rin si Maj. Gen. Rillera ng cash assistance, groceries, at isang basket ng prutas sa mga sugatang sundalo, sa tulong ni Lt. Col. Erwin E. Felongco, ang Assistant Chief of Staff for Personnel, G1.

Matatandaan, nasugatan ang pitong sundalo sa engkwentro sa 15 miyembro ng BIFF-Karialan faction na nagresulta sa pagkamatay ni BIFF leader Mohiden Animbang alyas “Kumander Kagi Karialan”, chairman ng BIFF-KF, kapatid nitong si Saga Animbang, operation chief ng BIFF-KF, at sampung iba pa sa Brgy. Kitango, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.

(NILOU DEL CARMEN)

41

Related posts

Leave a Comment