88-ANYOS NA LOLA NAGULUNGAN NG TRUCK

CAVITE – Agad nalagutan ng hininga ang isang 88-anyos na lola makaraang magulungan ang katawan ng isang truck habang tumatawid sa kalsada sa Bacoor City noong Huwebes ng umaga.

Sa punerarya na dinala para sa autopsy examination ang katawan ng biktimang si alyas “Dionesia”, 88-anyos.

Kinilala naman ang driver ng isang Shaanxi X3000 truck na may plakang NFU-8066, na si Francismar Cagado y Curato, 46-anyos.

Ayon sa ulat, nakahinto ang driver ng truck na si Cagado habang naka-stop light sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, Brgy. Talaba II, Bacoor City, dakong alas-10:00 ng umaga.

Nang nag-green light ay umabante na ang driver ngunit nakarinig ng mga sigaw kaya huminto ito at doon niya nalaman na nakaladkad ng kanyang minamanehong truck ang biktima na noon ay tumatawid.

Pinaniniwalaan na dahil sa katandaan ay naabutan ng green light ang biktima habang tumatawid at hindi ito napansin ng driver.

Wala nang buhay ang biktima kaya sa Mesina Funeral Homes na dinala habang inaresto ang driver ng truck.

(SIGFRED ADSUARA)

55

Related posts

Leave a Comment