9-ANYOS GINAHASA’T PINATAY SA PAMPANGA

PAMPANGA – Isang 9-anyos na batang babae na hinihinalang hinalay, ang natagpuang walang buhay sa garahe ng isang bahay sa Barangay Sto. Cristo, sa bayan ng Guagua sa lalawigan.

Kinilala ang batang biktima na si Princess Joy Ocampo.

Ayon sa imbestigasyon, binugbog at sinakal ang bata bago ito tuluyang pinaslang.

Huling nakitang buhay ang bata noong gabi ng Lunes, Marso 4, mag-aalas-8:00 ng gabi, at nakuhanan ng CCTV habang ito ay naglalakad patungo sa bahay ng kanyang mga magulang para humingi ng pambaon sa pagpasok sa school kinabukasan. Napag-alaman na sa kanyang tiya nakatira ang bata.

Nang pumasok ang bata sa isang eskinita, may tumawag sa kanya mula sa isang bahay. Pumasok umano ito sa bahay at pagkatapos noon ay hindi na ito nakita.

Pagkaraan ay natagpuan ang walang buhay na biktima kinabukasan sa garahe ng kapitbahay.

Makaraan ang pagsisiyasat ng Guagua Police, inaresto ang kapitbahay nito na si Feliciano Orallo, 50, ng Brgy. Saint Anthony, sinasabing suspek sa krimen.

Ayon sa puliya, kilala ang suspek sa lugar na gumagamit ng illegal drugs.

Sa presinto, inamin ng suspek na gumagamit siya ng droga subalit itinanggi nito ang krimen. Binigyang-diin nito na hindi niya kilala ang bata.

Hustisya naman ang panawagan ng mga kaanak ng biktima at ang mabilisang paglutas sa kaso.

Noong Miyerkoles, na-inquest na sa tanggapan ng Provincial Prosecutor ang suspek na sinampahan ng kasong rape with homicide.

(NILOU DEL CARMEN)

79

Related posts

Leave a Comment