AFP TUTULONG SA COAST GUARD SA CYBER SECURITY

HANDANG ayudahan ng Armed Forces of the Philippine ang Philippine Coast Guard na higit pang palakasin ang kanilang cyber security matapos na ilang ulit na tangkain silang pasukin ang illegal hackers.

Inihayag ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, isang internationally known cyber security expert, nakahanda ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na tulungan ang Philippine Coast.

Handa rin umano ang AFP na magpaabot ng tulong maging sa iba pang ahensya ng gobyerno kahit walang kaugnayan sa national security concern ang isyu.

Magugunitang dalawang beses na sinalakay ng hackers ang facebook page ng Philippine Coast Guard.

Kasunod nito, inihayag ng PCG na kasalukuyan na itong nagsasagawa ng hardware check kasama ang kanilang IT experts mula sa Coast Guard Weapons, Communication, Electronics, and Information System Command.

Matapos na ihayag ng PCG na ganap na nilang nabawi ang kanilang social media account, tiniyak nitong walang nangyaring data breach o data leakage bunsod ng naganap na mga hacking incident sa kanilang official Facebook account at X account o dating Twitter.

Nabatid na maging ang Philippine National Police ay nais na gayahin ang sistemang ginagamit ng AFP IT Experts at ikinokonsiderang magtatag ng kanilang cyber security division na kahalintulad ng AFP’s cyber battalion command.

Ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Council o CICC, paboritong target ng hackers ang government sites.

Sinabi pa ng Deputy Executive Director ng CICC na si Mary Rose Magsaysay, minsan grupo ang gumagawa ng hacking, mayroon ding paisa-isa at mayroon pang malalaking organisasyon.

Nilinaw ni Magsaysay na may hackers na gusto lamang magpakitang gilas kaya palaging sinusubukan na puntiryahin ang websites ng pamahalaan.

Pero tiniyak ni Magsaysay hindi natutulog ang kanilang ahensiya 24/7 at nakaalerto sa mga ganitong uri ng krimen.

Ibinida pa nito na 100% nilang naresolba ang mga hawak nilang krimen kung saan huling naging biktima ng hacking ang Facebook page ng Philippine Coast guard.

(JESSE KABEL RUIZ)

27

Related posts

Leave a Comment