BADOY, SMNI ‘PABUBUSALAN’ SA KBP, NTC

HINDI libel at cyberlibel ang isasampang kasong laban kina dating National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NFT-ELCAC) spokesperson Lorraine Badoy-Partosa, Jeffrey Celis at sa Sonshine Media Network International (SMNI), kundi mas mabigat pa dito.

“Ang suwerte nila (kung libel lang ang isasampa),” ani House Deputy Minority Leader France Castro, kaya ginagawa na umano ng mga ito ang reklamo na isasampa sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas at National Telecommunications Commission (NTC).

Bukod dito, ikinokonsidera rin umano ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Party-list group na kanyang kinakatawan, ang pagsasampa ng oral defamation laban kina Badoy, Celis at SMNI ni Apollo Quiboloy.

Magugunitang pinalagan ni Castro ang alegasyon nina Badoy at Celis sa nasabing partido ng pangingikil sa public school teachers.

Ang alegasyon ay kaugnay umano sa P20 na kinukuha sa public school teachers, na ayon sa mambabatas ay union dues subalit wala umanong kinalaman ang kanilang partido dito.

“Ang binabanggit nilang P20 na binabawas sa mga miyembro ng unyon ng mga guro ay ang kanilang union dues na bumabalik din sa mga guro sa pamamagitan ng mga medical and other benefits, union services, at pagpasok sa mga negosasyon kasama ang DepEd, tungo sa mga Collective Negotiation Agreement para sa mga miyembro ng regional unions,” banggit ni Castro kamakailan.

Sinabi ng mambabatas na hindi nila puwedeng palagpasin ang patuloy na paninira nina Badoy at Celis gamit ang SMNI ni Quiboloy, dahil kung hindi ay patuloy na magpapakalat ang mga ito ng fake news.

Dahil dito, desidido na aniya ang kanilang grupo na ireklamo ang mga ito sa KBP at NTC bukod sa isasampang defamation case sa korte upang mapanagot ang mga ito. (BERNARD TAGUINOD)

17

Related posts

Leave a Comment