BAGGER HULI SA PAGHAKOT NG PANINDA, P90K CASH

CAVITE – Arestado ang isang 26-anyos na bagger matapos na ibulsa ang P90,000 cash at hinakot ang hindi nabatid na halaga ng mga panindang sigarilyo mula sa isang grocery store na kanyang pinagsisilbihan sa Cavite City sa lalawigang ito, noong  Huwebes ng madaling araw.

Nahaharap sa kasong qualified theft ang suspek na si Jefferson Ebaylo Conserman, bagger ng Alex Grocery at residente ng Bacolod City, inireklamo ni Jose Harvey Ugay Sanoria, 49, may-ari ng Alex Grocery sa Barangay 41, Caridad, Cavite City.

Ayon sa saksi na si Kenneth Roger Tubles, tricycle driver, nakita niya ang suspek na pumasok sa Alex Grocery sa Barangay 41, Caridad, Cavite City dakong ala-1:00 noong Huwebes ng madaling araw gamit ang isang susi.

Makalipas ang ilang minuto, lumabas ito na may dalang grocery items at naglakad patungo sa direksyon ng San Antonio ng naturang lungsod saka sumakay sa isang tricycle.

Nabatid na 43 reams ng sigarilyong Marlboro at P90,000 cash ang nawawala sa nasabing grocery store.

Sa ikinasang follow-up operation ng pulisya, naaresto ang suspek at narekober ang 43 reams ng Marlboro cigarettes at P90,000 cash. (SIGFRED  ADSUARA)

41

Related posts

Leave a Comment