BAKUNAHAN PINALAWIG NG DOH CALABARZON

PINALAWIG ng Department of Health (DOH)-CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) ang kanilang mga aktibidad sa pagbabakuna mula Disyembr 20-23, 2021 upang ma-accommodate ang mas maraming hindi pa nabakunahan na mga indibidwal na boluntaryong nagtutungo sa vaccination sites sa iba’t ibang lugar sa rehiyon.

Sinabi ni Regional Director Ariel I. Valencia, marami na ang higit na nag-aalala sa kanilang kalusugan at kaligtasan lalo na’t ang mga kaso ng bagong variant ng Omicron ay nakapasok na sa bansa.

“Walang ibang makapagbibigay ng proteksyon laban sa COVID at sa mga iba pang variant nito kundi ang pagbabakuna. Lahat po ng klase ng bakuna ay ligtas at libre ninyong makukuha sa vaccination centers na malapit sa inyong lugar. Hindi po natin kailangang mamili dahil lahat naman po ng klase ng bakuna laban sa COVID ay ligtas na gamitin,” ayon kay Valencia.

Binigyang-diin din ni Valencia na ang solong doses na bakuna ay isang “mahalagang pagpipilian” para sa mga hindi makababalik para sa maraming pagbabakuna.

“Madalas kasing nangyayari ay nakalilimutan na ang second dose o kaya naman hindi makapunta dahil me trabaho. Kaya mas mabuti na magpabakuna ng single shot para hindi na maabala.”

Noong Disyembre 20, 2021, ang CALABARZON ay nakapagbigay ng kabuuang 748,547 bakuna. May kabuuang 30,687 ang nabigyan ng unang doses habang 658,219 ang nakatanggap ng kanilang pangalawang doses. Para sa solong doses na bakuna na Janssen, 19,900 ang nabakunahan at kabuuang 39,741 booster shots ang naibigay na.

Ang pagpapatuloy ng pagbabakuna ngayong linggo ay target ang mga indibidwal na may iskedyul sa second dose

“Patuloy po ang DOH na magsasagawa ng pagbabakuna hangga’t hindi natin nabibigyan ng proteksiyon ang ating mga kababayan laban sa COVID virus. Kaya’t muli po kaming nananawagan sa mga hindi pa po nabakunahan na magpunta na sa pinakamalapit na vaccination center sa inyong lugar upang makatanggap ng libreng bakuna,” ayon pa kay Valencia.

“Magastos po ang magkasakit at napakahirap pong maospital kaysa magpabakuna. Tandaan po natin na kaligtasan ninyo, kasama ng inyong pamilya at komunidad ang nakasalalay dito.”

Ipinaabot din ni Valencia ang kanyang pasasalamat sa local government units at partners agencies sa kanilang patuloy na suporta sa patuloy na aktibidad ng pagbabakuna. (SIGFRED ADSUARA)

2

Related posts

Leave a Comment