BANGKA NIRATRAT SA LAOT 1 PATAY, 1 SUGATAN

QUEZON – Patay ang isang mangingisda habang sugatan ang isa pa matapos na pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek ang bangkang sinasakyan ng mga ito sa Tayabas Bay sa may hangganan ng San Juan, Batangas at Sariaya, Quezon noong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa report ng Bantay Dagat ng Sariaya, dakong alas-8:00 ng gabi nang masagip nila ang halos lumubog nang motor banca na sinasakyan ng anim na mangingisda na pawang taga Barangay Bignay 1, Sariaya.

Subalit wala nang buhay ang 32-anyos na biktimang si Alvin Protacio na tinamaan ng bala sa mukha.

Sa likod naman tinamaan ang isa pang biktima na si Teddy Lebris na nilalapatan pa ng lunas sa ospital.

Ayon sa mga mangingisda, dakong hapon nang pumalaot sila sa Tayabas Bay mula sa Barangay Bignay 1 upang mangisda ng dilis gamit ang lambat.

Subalit nang nasa territorial sea water na sila sa Barangay Manggalang Kiling, Sariaya ay nilapitan sila ng isang berde at puting bangka na may mga sakay na kalalakihang armado ng mahahaba at matataas na kalibre ng armas at pinapaalis sila sa lugar.

Nagpakilala pa umano ang mga ito na mga miyembro rin ng bantay dagat.

Papaalis na umano ang mga biktima nang paulanan sila ng bala at nahagip ang dalawang biktima. Umabot sa 16 ang butas ng bangka nang tamaan ng mga bala habang pilit silang lumalayo.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Sariaya Police at San Juan Police at inaalam kung anong grupo at sino ang mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)

19

Related posts

Leave a Comment