BID PORT OPERATION BUWAGIN – REMULLA

MATAPOS ang kabi-kabilang kontrobersiyang kinasasangkutan ng Bureau of Immigration (BI), nakatakdang buwagin ng Department of Justice (DOJ) ang isang tanggapan ng naturang kawanihang pinaniniwalaang sangkot sa human trafficking.

Partikular na tinukoy ni Justice Secretary Crispin Remulla ang Port Operations Division (POD) na nangangasiwa sa pagpasok at paglabas ng mga dayuhan sa mga paliparan at pantalan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Paglalarawan ni Remulla sa POD, “depekto” sa umiiral na sistema ang naturang tanggapan.

Kasabay ng paglusaw sa POD, isusulong aniya ng departamento ang tinawag niyang “decentralization” sa pamamahala sa iba’t-ibang paliparan at pantalan.

“We will take away the centralization. We will leave the command responsibility to every person heading the operations in every airport. There are no sacred cows as far as we are concerned here at the Department of Justice,” dagdag pa ng DOJ chief.

Kabilang sa mga eskandalong kumaladkad sa BI ang nabunyag na human trafficking ng mga Pilipino sa bansang Cambodia at Laos kung saan nagtatrabaho di umano ang mga Pilipino bilang crypto scammers. (RENE CRISOSTOMO)

86

Related posts

Leave a Comment