BRGY. OFF’LS ‘DI DAPAT MAKIALAM SA PIRMA CAMPAIGN – COMELEC

INIHAYAG ni Comelec Chairman George Garcia na hindi dapat makialam ang barangay officials sa signature campaign sa People’s Initiative para sa Charter change (Cha-cha).

Sinabi ito ni Garcia sa “Kapihan sa Manila Bay” forum, kasunod ng magkaibang pananaw o pahayag ng ilang mga opisyal ng DILG kaugnay sa pakikilahok ng barangay officials sa People’s Initiative.

Sinabi ni Garcia, unang-una ang hurisdiksyon ng Comelec ay kapag nag-file ang mga kandidato ng kanilang certificate of candidacy, at kapag sila ay naproklama.

Pagkatapos aniya ng panahon na iyon, ang hurisdiksyon ay nasa DILG na.

“Again maaaring ang ginagawa nila ay maliit na parte ng People’s Initiative o pagsisimula pero hindi pa ‘yun ang People’s Initiative– so wala pa ring kapangyarihan ang Comelec sa kasalukuyan.”

“Pero kung ako tatanungin, dapat bawal ang mga barangay official, hindi sila dapat nakikialam dahil para makita talaga ang sentimyento ng sambayanan,” pahayag ni Garcia.

Ayon pa kay Garcia, sa kanyang personal na opinyon, mas maganda na mismong sa DILG nanggagaling ang ‘warning’ at mas magandang payagan din sila na mangolekta ng signatures kung talagang gusto ng mamamayan.

Paliwanag ni Garcia, kailangang magpatunay sila sa Comelec na ang kanilang petisyon at ang mismong isinusulong na pagbabago ay naiintindihan at bukal sa loob ng ating kababayan.

“Hindi pinressure ni kapitan, ng mga kagawad, or whatever,” giit ni Garcia.

Ang sabi aniya sa batas, nonpartisan ang barangay o hindi sila miyembro ng kahit na anong political parties pero dahil sila mismo ay namumulitika, ay talagang partisans ang mga barangay.

Ibig sabihin, maaari silang sumuporta sa mga kandidato, puwede silang mamulitika sa panahon ng kampanya .

“So hindi ko pa ‘yan nadedesisyunan kung ‘yang isyu na ‘yan, na ibig sabihin ng nonpartisan ay should extend beyond the election.”

“Pero kung ako po para sa akin, bilang pinuno ng Komisyon, I will not allow the barangay officials to interfere or intervene within People’s Initiative,” dagdag pa ng poll chief.

(JOCELYEN)

29

Related posts

Leave a Comment