Concon hindi ConAss ipinanawagan ‘PI’ PAKANA NG KAMARA – SOCIALISTA

CONSTITUTIONAL Convention hindi Constituent Assembly ang ipinanawagan ng militanteng grupo na Kilusan ng mga Manggagawang Socialista nang magsagawa sila ng piket protesta sa harapan ng Kamara de Representantes sa Batasan Road, Quezon City kahapon.

Tinuligsa rin ng Socialista ang mababang kapulungan na may ‘pakana’ umano ng nagaganap na People’s Initiative sa paglalayong baguhin ang ilang probisyon sa Saligang Batas ng bansa.

Hindi tunay na diwang inisyatiba ng mamamayan ang malaganap na pangangalap ng pirma ng tao mula sa mga pamayanan maging sa pamilihang bayan. Ayon kay Eding Villasin, tagapagsalita ng Socialista, mistulang peke ang sinasabing People’s Initiative bagkus isa itong Trapo initiative na ang signature campaign ay maibubunton na “pakana” ng Kamara.

“Wala tayong mapapala sa pagtutulak ng mga Congressman sa amyendang “Voting Jointly” at ang pagkontra naman dito ng mga Senador. Pagbotohan man nilang magkasama o magkahiwalay, mababago ang Saligang Batas sa pamamagitang ng Constituent Assembly (ConAss). Ito ay mapanganib sa prinsipyo ng demokrasya,” ani pa ni Villasin.

Ipinanawagan Socialista sa mga mambabatas ang kahilingan na isagawa ang Constitutional Convention na kakatawanin ng mga batayang sektor para muling balangkasin ang saligang batas na naaayon sa kapakanan at interes ng taumbayan hindi sa paraan ng isang Constitutional Assembly.

Pinaniniwalaan ng grupo na ang ilang economic provision na itutulak na baguhin ng mga mambabatas ay nagsisilbi lang sa kapakanan ng mga elitista at pagpapalawig sa interes ng dayuhang pamumuhunan.

Itinanggi kamakailan ni House of Representatives Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang paglabas ng direktiba upang simulan ang PI sa hangaring amyendahan ang mga probisyon sa ekonomiya ng 1987 Constitution makaraang tutulan ni Senator Ronald ‘Bato” Dela Rosa ang nagaganap na people’s initiative, na tinawag nitong “politicians’ initiative”.

Ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 ay isang panukalang nagpapatupad na humihiling ng hybrid constitutional convention (con-con) upang magmungkahi ng mga pagbabago sa mga probisyon sa ekonomiya ng 1987 Constitution.

Sa pangkahulugan naman ng People’s Initiative, isa itong inisyatibang pagpapahayag ng kalooban ng mga tao, na nagbibigay ng paraan para sa mamamayan na magmungkahi ng mga pagbabago sa Konstitusyon.

Ayon sa Socialista, nararapat lang kilalanin ng lahat ang isinasaad ng 1987 Constitution sa Artikulo XVII Section 1 na maaaring maganap ang Charter Change sa pamamagitan ng Constitutional Convention (ConCon). “Ito’y mas demokratikong paraan upang direktang makalahok ang mayoryang manggagawa at ordinaryong tao sa pagbalangkas at pagpapasya sa kinabukasan ng bansa,” dagdag ni Villasin.

Mababatid na noong Marso ng nakaraang taon, inihayag Cong. Romualdez, may-akda ng panukalang batas RBH no. 6, na layunin ng House constitutional reform initiative na muling isulat ang “restrictive” economic provisions ng Konstitusyon upang bigyang-daan ang bansa na makaakit ng mas maraming dayuhang pamumuhunan.

Pinahintulutan ng pulisya na magsagawa ng programa ang grupong militante na nilahukan ng 50 katao sa gate one ng Batasan Pambansa Complex at pagkaraan ay mapayapang umalis ang mga demonstrador.

42

Related posts

Leave a Comment