BUNDOK SA MULANAY NILAMON NG GRASS FIRE

QUEZON – Tinatayang nasa 20 hanggang 30 ektarya ng kagubatan at damuhan ang nasunog sa kabundukan sa dalawang barangay sa bayan ng Mulanay sa lalawigan.

Ayon sa report ng Bureau of Fire Protection – Mulanay, nagsimula ang sunog sa bulubunduking bahagi ng Brgy. F. Nanadiego dakong ala-1:00 ng hapon noong Linggo at mabilis na kumalat ang apoy patungo sa katabing lugar sakop ng Barangay Matataja.

Malayo naman sa residential area ang sunog kaya walang naapektuhan o nadamay na mga kabahayan.

Pero ayon sa barangay officials at mga residente, mabilis ang pagkalat ng apoy dahil sa malakas na hangin.

Ayon sa Mulanay LGU, dakong madaling araw na nitong Lunes nang tumigil ang apoy.

Hindi naman maabot ng mga tauhan ng Mulanay BFP ang lugar na nasusunog dahil walang access road patungo roon at mataas ang lugar ng sunog.

Binantayan na lamang ng BFP ang mga lugar ng kabahayan sa baba ng nasusunog na area para tiyakin na walang madadamay na mga bahay.

Hindi pa matiyak ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog pero ayon sa mga residente, malimit mangyari ang grassfire sa lugar kapag buwan ng Pebrero hanggang Mayo.

(NILOU DEL CARMEN)

 

42

Related posts

Leave a Comment