BUS FIRM SA ANTIQUE ACCIDENT SINUSPINDE NG LTFRB

BUNSOD nang nangyaring aksidente, sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong Miyerkoles ng 90-day ang operasyon ng Ceres bus company matapos mahulog sa bangin ang isa nitong bus sa bayan ng Hamtic sa lalawigan ng Antique, dakong alas-4 ng hapon noong Martes, na ikinamatay ng mga mga pasahero nito.

Iniutos ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III ang pagsuspinde sa lahat ng bus units ng Ceres bus company na bumibiyahe sa lugar gayundin ang agarang imbestigasyon sa aksidente.

“We already issued a 90-day preventive suspension to the entire fleet, meaning to say ‘yung mga bus na nagbabyahe ng rutang ‘yon, 15 sila, nag-issue na agad ng preventive suspension,” ayon kay Guadiz.

“Ang roadworthiness ay done during the registration but it is incumbent upon the bus company na every time babyahe ‘yan, sisiguraduhin nila na maayos ‘yung mga bus nila. So that’s what I will be looking into, titingnan namin ‘yung ledger sa terminal kung ano ‘yung kondisyon bago ito umalis, at siyempre, titingnan din natin ang kalagayan ng driver,” dagdag niya.

Bukod dito, nagsimula nang magsagawa ng site inspection ang LTFRB at nakipag-ugnayan na sa insurance company para mabayaran ang mga biktima.

Sinabi rin ni Guadiz na mayroon nang inter-agency team kabilang ang LTFRB, LTO, at Department of Transportation (DOTr), na humahawak sa imbestigasyon.

Ayon sa mga ulat, ang bus ay patungo sa Antique mula sa Iloilo City nang may maganap na mechanical failure sa sasakyan, naging dahilan ng pag-overshoot nito sa concrete barrier sa zigzag at bulubunduking kalsada sa Barangay Igbucagay bago nahulog sa bangin.

Sinabi ni Guadiz na batay sa mga tauhan ng Antique Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na unang nagresponde sa insidente, hindi pa makuha ang eksaktong bilang ng mga pasaherong sakay ng Ceres bus, at ang bilang ng kumpirmadong namatay sa insidente.

Patuloy pa rin ang retrieval operations at isinugod ang mga nasagip na pasahero sa Angel Salazar Memorial General Hospital sa San Jose de Buenavista.

Sinabi ni Guadiz na tinitingnan nila ang mga ulat na ang lugar ay parehong erya kung saan nahulog din ang isang Ceres bus na ikinamatay ng dalawang pasahero, ilang taon na ang nakalilipas.

(PAOLO SANTOS)

 

245

Related posts

Leave a Comment