CHINESE IKINULONG SA UTANG SA SUGAL, NA-RESCUE

RIZAL – Isang lalaking Chinese national na ikinulong ng halos isang buwan ng hindi kilalang mga suspek dahil sa utang sa sugal, ang nasagip makaraang abandonahin sa Brgy. Macabud, sa bayan ng Rodriguez sa lalawigan, noong Huwebes ng umaga.

Ayon sa report ng Rodriguez Police, nakita ng mga residente ang nanghihinang biktima na inabandona habang nakahandusay sa gilid ng Macabud Road, Sitio Calumpit, sa naturang barangay.

Agad itong isinugod ng mga awtoridad sa Casimiro Ynares Hospital para malapatan ng lunas.

Kinilala ang biktimang si An Hai Yang, 45-anyos, nakatira sa Parañaque City.

Nabatid sa imbestigasyon, nagtungo ang biktima sa Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa Manila noong nakaraang buwan para magsugal.

Subalit ayon dito, natalo siya at naubos ang pera at nagkautang pa hanggang sa walang maibayad.

Dahil dito, dinala umano siya ng hindi kilalang mga suspek sa isang hindi matukoy na lugar at ikinulong sa loob ng halos isang buwan subalit nitong nakaraang araw ay dinala siya sa labas at iniwan sa kalsada.

(NILOU DEL CARMEN)

39

Related posts

Leave a Comment