QUARRY OPERATIONS SA QUEZON HINILING IPATIGIL

NANAWAGAN ang iba’t ibang grupo na itigil ang mga aktibidad ng quarrying sa bayan Sariaya sa lalawigan ng Quezon, partikular sa paanan ng Mt. Banahaw, na ayon sa mga ito ay isinasagawa nang walang pakundangan sa epekto nito sa kalikasan.

Nagsimula ang protesta sa harap ng St. Francis of Assisi Parish Church, kung saan ang mga nagpoprotesta ay humiling ng permanenteng pagtigil o kanselasyon ng operasyon ng mga quarrying na sumisira umano sa maganda at ecology rich na mga kagubatan ng nasabing bayan, at nagdudulot din ng panganib at kahirapan sa kalapit na mga komunidad lalo na sa gitna ng nararanasang climate crisis.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Rev. Fr. Warren Puno, convenor ng “Quezon for Environment”, may seryoso aniyang pangangailangan na itigil ang destructive quarrying dahil nagdudulot ito ng pinsala sa kalikasan.

Hinimok nito ang mamamayan na magkaisa at matatag na manindigan upang protektahan ang ating tanging tahanan dahil ang anomang pinsala na idudulot ng quarrying ay nakasisira sa diwa ng proklamasyon sa environment reservation.

Binubuo ang mga nagpoprotesta ng mga religious group, mga organisasyon ng mamamayan, civil society group, mga kabataan, at iba pang mga concerned citizen, na naglakad at nag-ikot sa munisipalidad at naglunsad ng “Lakad-Dasal Para sa Kalikasan” na isinagawa para anila sa “kaliwanagan ng mga opisyal ng gobyerno” tungkol sa mga epekto ng mapanirang pagmimina ng natural resources.

Hiniling din ng grupo na panagutin ang kinauukulang mga opisyal ng pamahalaan at ang mga sangkot na pribadong sektor para sa environmental damage na idinulot ng mga quarrying, at humiling din ang mga ito na isali ang kanilang grupo sa patuloy na pagsusuri dito ng ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Samantala, ipinag-utos na rin ni Quezon Governor Helen Tan sa DENR na ipatigil ang lahat ng quarry operation sa paanan ng bundok ng Banahaw.

(NILOU DEL CARMEN

56

Related posts

Leave a Comment