DEATH TOLL SA LANDSLIDE SA DAVAO DE ORO UMAKYAT SA 8

UMAKYAT na sa walo ang kurmpirmadong namatay sa landslide sa isang mining site sa Purok 20, Pag-asa, Barangay Mt. Diwata, Monkayo, Davao de Oro noong Huwebes ng tanghali.

Ayon kay Jergrace Cabag, Information Officer ng Monkayo LGU, bukod sa anim katao na mag-iina at isa pang babae na unang namatay, nitong Biyernes ng umaga ay nahukay na rin ang wala nang buhay na isa pang biktima si Ritchell Rebuldad, 36-anyos.

Tatlo pa ang patuloy na pinaghahanap na sina Rommel Gumatin, 36, padre de pamilya ng nasawing mag-iina; Agnes Bitoon, 44, at Elvera Saldua, 35-anyos.

Unang namatay ang asawa ni Gumatin na si Catherine, 27, at ang kanilang limang anak na may edad 10, 9, 8, 3 at isang taon gulang. Nasawi rin ang isa pa na kinilalang si Marjomie Nenaria, 33-anyos.

Ang nawawalang tatay na si Gumatin ay huling nakita na kumukuha ng video bago nangyari ang landslide.

Nangyari ang trahedya dakong alas-12:30 ng tanghali kung saan dalawang bahay ang natabunan.

May ginaganap na prayer meeting sa isa sa mga bahay kaya marami ang naging biktima na nawawala pa rin.

Batay pa rin sa ulat, dalawa ang sugatan, ang isa ay patuloy na nilalapatan ng lunas sa ospital.

Nitong Biyernes ng umaga ipinagpatuloy ang search and retrieval operation sa tragedy site matapos na pansamantalang ihinto noong Huwebes dahil sa panganib na posibleng pagguhong muli ng lupa.

Nabatid na simula pa noong Lunes ay nakararanas ng pag-ulan ang Davao region bunsod ng shear line, ayon sa PAGASA.

(NILOU DEL CARMEN)

38

Related posts

Leave a Comment