PUMALO na sa 170,970 ang bilang ng pamilya na apektado ng malakas na pag-ulan at pagbaha dahil sa shear line.
Sa update report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nito na may katumbas na 681,493 indibidwal ang pamilyang apektado ng malakas na pag-ulan at pagbaha.
Ang mga pamilyang ito, ayon sa NDRRMC ay nakatira sa 1,132 barangay sa Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, Davao Region at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang pamilya na nananatili sa 163 evacuation centers ay nasa 6,635 o may katumbas na 23,536 indibidwal, ang nalalabing bilang naman ay bumalik na sa kanilang bahay o tinutulungan ng mga kamag-anak at pamilya.
Ang mga napinsalang bahay ay 5,152 kung saan 4,242 dito ay “partially damaged” at 910 naman ang “totally damaged”.
Nananatili naman sa 52 ang bilang ng mga namatay at 13 na sa mga ito ang kumpirmado. 16 naman ang nasugatan at dalawa rito ang validated.
Ang napaulat na nawawala ay umabot na sa 18, kung saan 7 ang kumpirmado. (CHRISTIAN DALE)
