HEAT STROKE CASES SA BANSA TUMAAS

DUMARAMI ang bilang ng mga tinatamaan ng heat stroke sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa matinding init ng panahon.

Sa Barangay San Vicente, Makilala, sa probinsya ng Cotabato, ayon sa health officials at sa record ng barangay, anim na ang magkakasunod na namatay dahil sa heat stroke.

Isang babae ang pumanaw noong Marso 5, samantalang limang residente, apat na lalaki at isang babae naman ang ang nasawi dahil sa heat stroke nitong pagpasok ng Abril.

Naglabas na ng abiso ang barangay para sa mga residente, lalo na ang mga senior citizen, na protektahan sa tag-init ang sarili at ugaliing uminom palagi ng tubig upang maiwasan ang dehydration.

Samantala, kahapon ng umaga, isang estudyante ng Cotabato Foundation College of Science and Technology- Pikit Extension Unit ang nahimatay dahil sa matinding init ng panahon.

Pinagtulungan nila itong paypayan at painumin ng tubig, at nang bumuti ang pakiramdam ay pinauwi na ito. Pinauwi na rin ang iba pang mga estudyante.

Samantala, sa Pangasinan, 4 na kaso na ng heat stroke ang naitala ng Provincial Health Office mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Base sa monitoring ng Provincial Epidemiology Service Unit ng Provincial Health Office sa mga rural health unit, private at public hospital, nasa edad na 17 ang pinakabata at edad 40 ang pinakamatanda, sa mga tinamaan ng heat stroke.

Dahil sa tindi ng nararanasang init ng panahon, hindi umano maiwasan na atakihin, kung kaya’t nagbigay ng payo na ang provincial health office, lalo na sa mga may edad at may mga karamdaman tulad ng hypertension.

Umabot sa 47 degrees Centigrade ang heat index na naitala sa PAGASA Weather Station ng Dagupan City nitong nakaraang ilang araw.

Bukod sa heatstroke, binabantayan din ang mga kaso ng sore eyes at chicken pox na mabilis kumalat tuwing tag-init.

(NILOU DEL CARMEN)

109

Related posts

Leave a Comment