Pagod at puyat sa day-2 ng transport strike BBM WALANG PUSO SA JEEPNEY DRIVERS

WALANG puso at pakialam si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa jeepney drivers at maliliit na operators dahil desidido itong ituloy ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Ganito inilarawan ng Gabriela Party-list si Marcos dahil sa hanggang Abril 30, 2024 na lamang ang buhay ng maliliit na operators at tsuper na walang kakayahang mag-consolidate ng kanilang prangkisa at makabili ng modernong sasakyan.

“Marcos Jr. does not have the heart to be in the service of our jeepney drivers and small operators, nor does he consider the plight of the youth who face the extreme difficulty of commuting every day due to the gradual killing of affordable mass transportation such as jeepneys and other PUV’s,” ani Shaye Ganal, spokesperson ng Gabriela Youth.

Ipinagtanggol naman ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas ang isinagawang transport strike ng grupong Manibela at Piston noong Lunes, dahil daan-daang libo umano ang mawawalan ng hanapbuhay pagdating ng Mayo 1.

Ayon sa mambabatas, ang desisyon ni Marcos na ituloy ang deadline sa franchise consolidation ay mangangahulugan ng pagkagutom ng mga tsuper at maliliit na operators kasama ang kanilang pamilya.

Kahapon ay ipinagpatuloy ng PISTON at MANIBELA ang ikalawang araw ng kanilang protesta laban sa Public Utility Vehicle (PUV) modernization program ng gobyerno.

Ayon kay MANIBELA chairman Mar Valbuena, inabot ng pagod at puyat ang kanilang grupo dahil Linggo pa lamang ay naghanda na sila para sa protesta. Sa kabila nito, tinatayang 8,000 jeepney drivers at operators ang nakiisa sa tigil-pasada.

“Dahil na rin po sa halos dalawang gabi nang pagod at puyat itong ating mga kasamahan. Dahil naghanda tayo, Sunday pa at kahapon, sobrang pagod talaga dahil nakipagbuno tayo sa puwersa ng gobyerno,” ani Valbuena.

Sinimulan ng dalawang grupo ang kanilang kilos protesta noong Lunes sa Welcome Rotonda, boundary ng Quezon City at Maynila at ipinagpatuloy kahapon.

Inokupahan ng mga ito ang southbound lane ng Quezon Avenue mula Welcome Rotonda hanggang Blumentritt Street.

Sa gitna ng protesta, umakyat ang tagapagsalita ng grupo sa bubong ng isang tradisyunal na jeepney at inihayag ang kanilang mga saloobin.

Para naman sa ilang commuters na apektado ng pagsasara ng southbound lane ng Quezon Avenue (España Boulevard), naglaan sila ng mas maraming oras para makasakay sa kanilang destinasyon.

(BERNARD TAGUINOD/PAOLO SANTOS)

36

Related posts

Leave a Comment