HELICOPTER NAG-EMERGENCY LANDING SA BANANA PLANTATION

LIGTAS ang mga pasahero sa nag-emergency landing na helicopter sa banana plantation sa Barangay Lantapan, Bukidnon, ayon sa report na nakarating sa opisina ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Nangyari ang insidente bandang alas-10:00 ng umaga noong Hulyo 27, Habang nasa 8,000 feet above sea level ang helicopter nang magkaroon ng aberya ang makina nito.

Ayon sa naturang report, ang Robinson R44 II helicopter ay ino-operate ng Philippine Adventist Medical Aviation Services (PAMAS) na naka-base sa MVC complex sa Valencia City, Bukidnon.

At batay sa nakalap ng impormasyon, ang helicopter ay lumipad para mag-pick-up ng skydiving participants para sa gaganaping Barangay Bantuanon fiesta celebration.

At makaraang ma-pick up ang mga ito, nagkaroon ng aberya ang makina o tinatawag sa aviation parlance, nawalan ng power, kaya’t nagpasya ang piloto na bumalik na lamang, ngunit hindi nakayanan.

Bunsod nito, minabuti ng piloto na mag-emergency landing sa banana plantation sa Sitio Babahagon Lantapan sakop ng Bukidnon.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Aircraft Accident and Inquiry Investigation Board (AAIIB) ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) upang matukoy ang sanhi sa pagkasira ng makina ng helicopter.

Habang isinusulat ang balitang ito, hindi pa madetermina ng mga tauhan ng CAAP ang tinatawag na proximate cause sa sinapit ng Robinson R44 II helicopter. (FROILAN MORALLOS)

 

120

Related posts

Leave a Comment