HIGIT 50 KABAHAYAN DINEMOLIS SA KYUSI

MAHIGIT 50 bahay ng informal settler families ang giniba ng demolition team sa Calamba Street, Brgy. Sto. Domingo, Quezon City nitong Huwebes ng umaga.

Sinikap ng mga residente na pigilin ang pag-abante ng demolition team na humantong sa sakitan at tulakan na ikinasugat ng mga kabataang residente.

Nagapi ang mga nagbarikadang residente habang nakasuporta ang mahigit 50 anti-riot police sa demolition team na umano’y dayo mula sa lalawigan ng Laguna.

Nabatid na ang demolition ay ibinatay sa kautusan na ipinalabas ng RTC Branch 101 nitong Pebrero 19.

Napilitang mamalagi muna sa kalsada ng Calamba Street ang mga nawalan ng tirahan dahil wala umanong inilaan na relocation para sa kanila.

Ayon kay Amihan Dipasupil, lider maralita, idinulog nila ang kahilingan sa tanggapan ni Mayor Joy Belmonte na makapaglaan ng relokasyon para sa mga pamilyang maapektuhan ng demolisyon.

Hiling nila na ipatupad ang Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA), na responsibilidad ng gobyerno na tiyakin ang pagbibigay ng disente at abot-kayang pabahay sa bawat Pilipino lalo na yaong underprivilege family o walang tirahan.

77

Related posts

Leave a Comment