JOB APPLICANTS PINAG-IINGAT SA SCAM

PINAALALAHANAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Filipino job applicants na maging maingat sa online recruitment scams na pino-post sa iba’t ibang social media platforms.

Ayon sa ahensya, maraming mapanlinlang na online recruitment scam ang umaakit sa mga naghahanap ng trabaho o job openings na nangangako ng napakataas na suweldo, kabilang ang mga walang karanasan sa trabaho.

Ayon kay Labor OIC-Assistant Secretary Patrick P. Patriwirawan, Jr., ang modus operandi ay maaring makasira sa malaking bilang ng mga tao partikular na ang mga walang trabaho.

Batay sa January 2024 Labor Force Survey, nasa 2.7 milyong tao na may edad 15 hanggang 30 ang kasalukuyang walang trabaho dahil hindi sapat ang kwalipikasyon sa trabaho.

Gayunpaman, binigyang-diin ng opisyal ang pagkakaroon ng mga hakbangin na idinisenyo upang mapabuti ang kakayahang magtrabaho ng Filipino job seekers, at partikular na nakatuon sa mga kabataan.

Binigyang-diin din ni Patriwirawan, ang pangangailangan para sa jobseekers na gumamit ng PhilJobNet para sa online job applications dahil ginagarantiyahan ng DOLE ang authenticity ng mga kumpanyang nag-a-advertise ng job openings sa digital platform.

Inirekomenda ng ahensya na makipag-ugnayan lamang sa accredited recruitment agencies o naaangkop na mga ahensya ng gobyerno upang maiwasang maging biktima ng mga illegal recruiter.

(JOCELYN DOMENDEN)

36

Related posts

Leave a Comment