DRIVERS NA BINANGGA ILILIBRE SA KULONG AT KASO

HINDI dapat makulong ang mga driver at rider na binangga subalit sila pa ang nakakasuhan at nakukulong lalo na kapag namatay ang bumangga sa kanila.

Ito ang iginiit ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores, vice chairman ng House Committee on Justice, kaya gagawa umano ang mga ito ng batas para baguhin ang kalakaran na ang mga sumusunod sa batas ang nakukulong at nakakasuhan kapag nagkaroon ng aksidente sa lansangan.

Inihalimbawa nito ang kaso ng Toyota Innova driver na sinalpok ng lasing, walang helmet, overspeeding, at nag-counterflow na rider sa Skyway 3, na kinasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide at nakulong.

“Siya na nga itong binangga, siya pa itong sinampahan ng reklamo, dahil lang siya ang naka-4-wheels at natirang buhay,” paliwanag pa ng mambabatas.

Dahil dito, kailangang itama aniya ang batas dahil hindi umano dapat parusahan ang mga driver na sumusunod sa batas dahil biktima lamang ang mga ito ng mga barumbado at walang disiplinang mga motorista.

Samantala, kailangan sitahin din aniya ng kinuukulang mga ahensya ng gobyerno ang pamunuan ng Skyway Stage 3 dahil lumalabas na kulang ang sa preventive measures para maiwasan ang disgrasya.

(BERNARD TAGUINOD)

43

Related posts

Leave a Comment