JOINT NAVAL DRILLS SA WPS BINANTAYAN NG 2 CHINESE SHIPS

TAGUMPAY ang isinagawang Multilateral Maritime Cooperative Activity ng Pilipinas, Estados Unidos, Australia, at Japan sa loob ng exclusive economic zone ng bansa, partikular na sa West Philippine Sea.

Ito ay nilahukan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), United States Indo-Pacific Command (USINDOPACOM), Australian Defense Force (ADF), at Japan Self-Defense Forces (JSDF).

Sa ginanap na ‘donning of rank ceremony’ para kay Lt. Colonel Miguel “Migs” Zubiri, kasalukuyang Senate President, sa AFP Headquarters kahapon, inihayag ni AFP chief of Staff General Romeo Brawner na naging matagumpay ang isinagawang MMCA.

“Successful po ‘yung nagyaring exercise natin, we were able to achieve all the objectives that we have set forth including the anti-submarine warfare exercise that we conducted.”

Kinumpirma ni General Brawner na namataan ng joint exercise team ang presensiya ng dalawang Chinese Navy, may anim na nautical miles ang layo sa mga barkong pandigma ng apat na bansang nagsasagawa ng pagsasanay.

Ayon pa sa heneral, ang naturang aktibidad ay nagpapakita lamang ng commitment ng mga kalahok na bansa sa pagpapatibay at pagpapalakas pa ng regional at international cooperation na bahagi ng kanilang pagsuporta sa isang bukas at malayang Indo-Pacific sa pamamagitan ng pagsasagawa ng interoperability exercises sa maritime domain.

Bukod dito, kumpiyansa rin ang Hukbong Sandatahan na malaki rin ang maitutulong nito sa buong hanay ng mga sundalo partikular na sa kanilang capability development.

Habang pinasinungalingan ng AFP na sinabayan ng China ang kanilang joint maritime activity sa pamamagitan ng pagsasagawa ng maritime combat patrol, na inihayag ng China Embassy.

Ayon sa China Embassy, sinabayan ng military combat patrols ng China ang joint naval drills ng Pilipinas, Amerika, Japan at Australia sa West Philippine sea.

Ayon sa People’s Liberation Army ng Beijing, kontrolado nito ang lahat ng military activities na gugulo sa sitwasyon sa South China Sea.

Subalit wala namang ibinigay na detalye ang China hinggil sa umano’y joint naval at air combat patrols nito sa lugar.

Isinagawa ang mga pagsasanay ilang araw bago ang makasaysayang trilateral summit ng Pilipinas, Amerika at Japan sa Washington sa Abril 11 kung saan kabilang sa tatalakayin ang usapin sa West Philippine Sea.

Ipinagkibit-balikat na lamang ng Pilipinas ang panibagong mga alegasyong ng China laban sa ating bansa matapos ang ginawa nitong Multilateral Maritime Cooperative Activity sa West Philippine Sea kasama ang mga bansa ng Japan, Australia, at Estados Unidos.

(JESSE KABEL RUIZ)

64

Related posts

Leave a Comment