QUIBOLOY KUMPIRMADONG MAY MULTI-MILLION FIREARMS

PINAG-AARALAN ng Philippine National Police kung kinakailangang kanselahin na ang kaukulang mga dokumento ng mga baril na pag-aari umano ni Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ, na kasalukuyang itinuturing na pugante ng mga awtoridad.

Ito ay matapos na kumpirmahin ng PNP na totoong mayroong pagmamay-ari na mga armas si “self-proclaimed appointed of son of God” Apollo Quiboloy na target ngayon ng manhunt operation matapos na maglabas ng warrant of arrest ang Davao Regional Trial Court Branch 12, laban sa kanya kaugnay sa mga kasong sexual at child abuse.

Unang inilabas ng Rappler na may 19 matataas na uri ng mga baril sa kanyang arsenal ang embattled evangelist, na nagkakahalaga ng P2.3 million base sa dokumento ng PNP Firearms and Explosive Office.

Ayon kay PNP Public Information Office chief, PCol. Jean Fajardo, mayroong 19 na baril ang pagmamay-ari ni Quiboloy kabilang na ang isang mataas na kalibre na napaso na nitong buwan ng Marso ang mga dokumento, habang ang iba naman ay mayroong valid at existing pa na lisensya.

Aniya, kasalukuyan nang pinag-aaralan ngayon ng PNP Firearms and Explosives Office kung maaari pang ipasuspinde ang mga lisensya ng mga baril ng pastor nang dahil sa kanyang mga kasong kinahaharap sa ngayon.

Subalit hanggang kahapon ay hindi pa rin ikinokonsidera ng PNP na ‘armed and dangerous’ si Pastor Quiboloy sa kabila ng pag-iingat o pagmamay-ari ng mga baril dahil wala naman aniya siyang naging record noon na naging marahas at mayroong private army ito.

Sa ngayon, tuloy-tuloy ang isinasagawang manhunt operation ng mga awtoridad sa church leader para isilbi ang warrant of arrest na inisyu ng Davao RTC.

Kasabay nito, muli namang nanawagan ang opisyal kay Quiboloy na harapin ang kanyang kaso dahil dapat aniyang respetuhin nito ang judicial authority ng korte at sumuko na lang.

(JESSE KABEL RUIZ)

63

Related posts

Leave a Comment