KAGAWAD, MISIS PATAY SA SALPOK NG AMBULANSYA

patay

BATANGAS – Patay ang isang barangay kagawad at ang asawa nito na isang guro, nang ang sinasakyan nilang tricycle ay masalpok ng ambulansya sa national highway sa Brgy. Sambat, sa bayan ng Balayan sa lalawigang ito, noong Lunes ng hapon.

Kinilala ang mga biktimang sina Crispin Comia, 60-anyos, dead on the spot, at Gavina Comia, 62-anyos, binawian ng buhay noong Martes sa ospital.

Batay sa report ng Balayan Police, minamaneho ng biktima ang kanilang tricycle at kasama ang kanyang misis, nang salpukin ng ambulansya na Nissan Urvan, na patungo sa Metro Balayan Medical Center para magdala ng pasyente.

Ayon sa imbestigasyon, nag-overtake sa isang sasakyan ang ambulansya at sinalubong ang tricycle kaya nagkasalpukan.

Nahagip din ng ambulansya ang motorsiklong minamaneho ng 18-anyos na si Ychiro Catalan na nagresulta sa pagkasugat ng backrider nito na si Dennis Herjas y Arroyo, 23-anyos, isang supervisor ng food shop.

Bahagya ring nasugatan ang driver ng ambulansya na si Domingo De Leon. Isinugod ang mga ito sa ospital para lapatan ng lunas.

Napag-alaman na ang ambulansya ay pag-aari ng provincial government ng Batangas. (NILOU DEL CARMEN)

82

Related posts

Leave a Comment