KELOT TIMBOG SA BARIL, DROGA SA CANDELARIA

QUEZON – Arestado ng isang lalaki matapos makita ng mga pulis na may dalang baril habang pagala-gala sa Brgy. Malabanban Norte, sa bayan ng Candelaria sa lalawigang ito, noong Sabado ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Pauline Argie Gaor, 28-anyos, residente ng Brgy. Mangilag Sur, Candelaria.

Ayon sa report, nagsasagawa ang mga awtoridad ng monitoring and surveillance operation laban sa isang most wanted person sa kasong murder, nang maispatan ang suspek na nakatayo sa gilid ng highway at may sukbit na baril sa beywang.

Agad itong siniyasat ng mga pulis at nakumpiska mula rito ang isang Tanfoglio caliber 9mm pistol na walang mga kaukulang dokumento.

Sa patuloy na pagsisiyasat, nakuha pa rito ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang nasa .40 grams at may street value na P7,344.

Nakakulong na ang suspek at nakatakdang sampahan ng mga kasong paglabag sa RA 10591, BP 881 (Omnibus Election Code), at Sec. 11, Art. II ng RA 9165.

(NILOU DEL CARMEN)

170

Related posts

Leave a Comment