KONSTRUKSYON NG REGIONAL HOSPITAL SA MONTALBAN UMARANGKADA NA – REP. NOGRALES

Rep Juan Fidel Nograles-1

NAGSIMULA na ang konstruksyon ng Phase 1 ng Northern Tagalog Regional Hospital (NTRH) sa Montalban, Rizal, ayon sa ulat ni Congressman Fidel Nograles.

Sinabi ni Nograles, ito ay inter-agency project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Health (DOH) na nagtutulungan upang maitayo ang nasabing hospital, at sa susunod na anim na buwan ay may makikita nang gusali.

“May konting paghuhukay na po tayo ngayon, ‘wag hong mag-alala ang mga residente natin, ginagawa po natin, ang lahat ng ating makakaya ay ginagawa po natin upang maihatid ang pinakaunang Pambansang Ospital sa Montalban,” ani Nograles.

Kasabay nito, inamin ni Nograles na nag-alala siya na baka hindi matuloy ang proyekto dahil sa kinaharap na mga problema ng gobyerno sa pandemya sa COVID-19 noong nakaraang mga taon. Naantala rin aniya ang konstruksyon dahil nagkaproblema sa pondo ang pamahalaan

“May mga pangarap po tayo, akala po natin ‘di na matutuloy ‘yun pala naantala lang, ‘di po natin napapansin parating na pala ang inaantay natin na ika nga ‘in God’s perfect time’.”

“Lubos tayong natutuwa sapagkat sa wakas ay umarangkada na, tuloy na ho ang ating pangunahing programang proyekto sa Montalban, ang Northern Tagalog Regional Hospital,” banggit pa ng kinatawan ng ika-4 na Distrito ng Rizal.

“Bagama’t nagkaroon ng konting problema, eh ang dami namang problema noong nakaraang taon, gipit na gipit ho, kasi ang ating gobyerno sa pondo pero tapos na po ‘yun, importante ngayon tuloy na ho ang ating ospital, umarangkada na ho ang ating programa, ang ating pangako para sa bayan ng Montalban,” pahayag pa ng chairperson ng Committee on Labor and Employment.

Ang NTRH ay level 2 hospital na may kapasidad na 300 pasyente na maaaring pakinabangan ng mga residente ng Rizal at kalapit na mga lugar tulad ng Bulacan, Quezon City at Marikina.

Sinabi pa ni Nograles, bukod sa paghandog ng mabilis na serbisyong medikal at malawak na programang pangkalusugan, isusulong din ng Northern Tagalog Regional Hospital ang kabuhayan, ekonomiya, at negosyo sa bayan.

Kabilang dito ang kabuhayan, – ang DOH ay magbibigay ng trabaho at oportunidad sa mahigit 500 na mga lingkod bayan sa healthcare industry na naglaan ng kanilang serbisyong medikal sa Level 2 National Hospital kung saan ang mga doktor at nurse ay may iba’t ibang pinagdalubhasaan o espesyalidad, at may mga pasilidad tulad ng Intensive Care Unit, Neonatal Intensive Care Unit, at High-Risk Pregnancy Unit para sa mga kababaihan.

Matatandaan, ilang taon na ang nakalipas ay pinangunahan ni Nograles ang pagpapasinaya ng NTRH kasama ng mga kinatawan ng DPWH at DOH.

(JOEL O. AMONGO)

41

Related posts

Leave a Comment