KOTSE MUNTIK MAHULOG SA CREEK SA PALPAK NA WAZE

SINISISI ng driver ng isang sasakyan sa palpak na Waze Navigation Application ang kanyang pagkaligaw at halos mahulog sa creek sa pagitan ng riles ng PNR sa Pandacan, Manila noong Linggo ng madaling araw.

Ayon sa ulat ni Police Major Jaime Gonzales , hepe ng Investigation ng Manila District Traffic Enforcement Unit, kinilala ang driver ng sasakyan na si Chinese-Malaysian Wiselie, 28, nanunuluyan sa Bel Air, Makati, kasama ang asawa niyang si Judy Adriano, 27, residente ng Pasay City, na nasa maayos namang kondisyon.

Batay sa report ng MDTEU, bandang alas-4:20 ng madaling araw nang mabalahaw ang kotse ng mag-asawa.

Ayon sa pahayag ng dalawa, galing sila ng Manila at papuntang Makati City sakay ng puting Ford Focus, nang gumamit sila ng Waze na itinuro sila kahabaan ng Pandacan.

Naituro aniya sila ng Waze sa riles ng tren na kanila namang sinundan ngunit hindi naman dapat doon ang kanilang daan hanggang sa makarating sila sa isang creek sa pagitan ng riles ng tren at muntik nang mahulog ang kanilang sasakyan.

Ligtas naman ang mga biktima habang nakasabit ang nasabing sasakyan sa riles ng tren dahilan para magkaroon ng delay sa serbisyo ng PNR.

Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at MDRRMO ng lungsod ng Maynila upang maalis ang sasakyan sa riles ng tren. (RENE CRISOSTOMO)

128

Related posts

Leave a Comment