LALAKI PATAY SA PAMAMARIL SA OSPITAL

LAGUNA – Patay ang isang lalaki matapos na pagbabarilin ng hindi kilalang suspek habang natutulog sa waiting area ng JP Rizal Hospital sa Brgy. Bucal, Calamba City sa lalawigang ito, noong Linggo ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Faisal Palagawad Dimapunung, 34-anyos, tubong Marawi, Lanao del Sur, at residente ng Caloocan City, batay sa nakuhang mga ID ng mga imbestigador.

Ayon sa report ng Calamba City Police, katabi ni Faisal ang kanyang asawa na si Norsimah Mamondiong Dimapunong at isa pang babaeng kasama nila, at nakahiga sa waiting area sa bisinidad ng ospital, nang malapitang pagbabarilin ng suspek sa ulo ang biktima na agad nitong ikinamatay.

Pagkaraan ay mabilis ba tumakas ang suspek.

Subalit ayon sa report, agad ding umalis ang dalawang kasama nitong babae at hindi pa nagpapakita sa pulisya hanggang ngayon.

Ayon kay PLt. Col. Alexy  Sonido, hepe ng Calamba City Police, pinuntahan ng mga imbestigador ang misis ng biktima sa nakatalang address nito base sa logbook ng ospital sa San Pedro City, subalit hindi ito natagpuan.

Nasa ospital ang tatlo matapos magpa-check-up ang misis ng biktima noong Sabado ng gabi.

Pansamantalang natulog ang mga ito sa waiting area ng ospital habang naghihintay na mag-umaga at makauwi sa kanilang tirahan, nang mangyari ang pamamaril.

Palaisipan pa sa Calamba City Police ang posibleng motibo sa krimen at kung bakit ang biktima ay inabandona ng kanyang mga kasama. (NILOU DEL CARMEN)

8

Related posts

Leave a Comment