LALAKI SINAKSAK NG UTOL, PATAY

CAVITE – Patay ang isang 27-anyos na lalaki matapos sasakin ng kanyang nakatatandang kapatid makaraang nagtalo hinggil sa problema sa kanilang pamilya sa Gen. Trias City noong Linggo ng gabi.

Isinugod sa Gentri Doctors Hospital ang biktimang si Barry Evora Cabrera, residente ng Brgy. San Francisco, Gen. Trias City subalit namatay habang nilalapatan ng lunas dahil sa mga tama ng saksak mula sa kanyang nakatatandang kapatid na si Billy Jan Evora Cabrera, 31, ng nasabi ring lugar.

Bago ang insidente, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang magkapatid hinggil sa problema sa kanilang pamilya sa kanilang bahay dakong alas-10:30 ng gabi.

Tila hindi umano nagustuhan ng nakatatandang kapatid ang pagsagot sa kanya ng kanyang utol kaya pinagsasaksak niya ito gamit ang isang tactical knife.

Sugatan din ang suspek makaraang magpambuno ang dalawa kaya parehong dinala sa ospital subalit namatay ang biktima.

Agad namang inaresto ang suspek ng nagrespondeng mga miyembro ng COMPC San Francisco. (SIGFRED ADSUARA)

388

Related posts

Leave a Comment