LEARNING RECOVERY TRUST FUND APRUB SA QUEZON CITY

NI JOEL AMONGO

SA layuning tiyakin ang kinabukasan ng mga kabataan, isang natatanging ‘trust fund’ ang nakatakdang itaguyod ng Quezon City government, sa bisa ng ordinansang pinagtibay ng Sangguniang Panlungsod bilang suporta sa learning recovery programs sa mga pampublikong paaralan.

Sa kalatas ng Public Affairs and Information Services Department (PAISD), inaasahan ang agarang implementasyon ng Learning Recovery Trust Fund matapos lagdaan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang SP 3182 na inakda nina Konsehal Dorothy Delarmente, Aly Medalla, at Shay Liban,

“A crisis of this magnitude requires all stakeholders to adopt a unified focus in prioritizing the needs and interests of our children. Our approach should be comprehensive and coordinated, which would demand the participation of multiple stakeholders including educators, parents, policymakers and private organizations,” wika ni Belmonte.

Para kay Belmonte, malaking bentahe ang pagtataguyod ng education trust fund na itutulak ng pamahalaang lungsod – katuwang pribadong sektor.

Nanawagan din ang alkalde sa mga negosyante at mga organisasyong nakabase sa Quezon City na ‘mamuhunan’ para sa kinabukasan ng mga kabataang aniya’y magiging katuwang nila sa negosyo sa hindi malayong hinaharap.

“The current learning crisis is a disturbing phenomenon that ultimately affects our youth. Our strategy among other initiatives is to provide targeted remediation to students who need it most, focusing on foundational skills, such as Reading and Math, which are essential for success in other subjects,” dagdag pa ng punong lungsod.

Base sa pinakahuling pag-aaral ng World Bank, tinatayang nasa 90.9% ang ‘learning poverty rate’ sa Pilipinas – isa sa pinakamataas sa buong mundo.

Sa naturang datos, lumalabas na siyam sa kada 10 mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ang hindi makaunawa – kundi man ‘di talaga kayang magbasa – ng diwa ng isang simpleng talata.

Kabilang sa nakikitang dahilan sa paglobo ng ‘learning poverty rate’ sa nakalipas na mga taon ay ang dagok na dala ng pandemya sa sektor ng edukasyon.

Samantala, tinututukan na ng lokal na pamahalaan – kasama ang Schools Division Office (na nasa ilalim ng Department of Education) – ang pagbalangkas ng mga programang tugon sa mga pangangailangan ng mga maralitang mag-aaral sa pampublikong eskwelahan sa nabanggit na lungsod.

160

Related posts

Leave a Comment