Mabilisang aksyon vs middlemen hirit kay Marcos PRESYO NG BIGAS NAMUMURO SA P60/KILO

PINAKIKILOS ng isang grupo ng mga magsasaka si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., laban sa
posibleng pagsasamantala ng middlemen sa local rice industry na posibleng magpalala sa krisis sa bigas sa bansa.

Ginawa ni Cathy Estavillo, spokesperson ng Bantay Bigas ang panawagan matapos mapaulat na umaabot sa P34 ang kada kilo ng palay sa Bulacan at posibleng umabot pa ito sa P38 sa susunod na linggo na magreresulta naman ng mas mataas na presyo ng bigas.

“Eversince di pa umaabot sa ganung presyo ng palay. Kahit P25 nga bihira eh,” ani Estavillo.

Katunayan aniya, lumabas sa kanilang monitoring sa Cauayan, Isabela ay may mga magsasaka na binenta ang kanilang palay sa middlemen sa halagang P15 kada kilo.

Sa middlemen ibinebenta ng mga magsasaka ang kanilang aning palay at ang mga ito naman ang nagbebenta sa rice millers sa mas mataas na presyo.

“May krisis sa world market in terms ng supply ng bigas. So ang crisis na yan ay talagang matindi ang epekto sa atin dahil number one rice importer tayo,” dagdag pa ni Estavillo.

Dahil dito, kailangan aniyang mag-imbestiga si Marcos bilang Secretary ng Department of Agriculture (DA) dahil kung hindi masugpo ang pagsasamantala ng mga middleman ay posibleng umabot sa P60 ang pinakamababang presyo ng bigas sa bansa.

Sa ngayon ay P44 na ang pinakamurang bigas sa mga palengke na malayong-malayo sa ipinangako ni Marcos na P20.

Muli ring iginiit ni Estavillo na amyendahan ang Rice Tariffication Law at ibalik ang mandato sa National Food Authority (NFA) na bumili ng palay para magkaroon ang mga ito ng sapat na buffer stock at matulungan pa ang mga magsasaka.

Huling bumili ang NFA ng palay noong 2018 dahil natigil ito nang maging batas ang Rice Tariffication Law noong 2019 kaya naglaho rin ang NFA rice na nagkakahalaga ng P27 kada kilo sa palengke.

Wala aniyang labis na naapektuhan sa pag-alis sa mandato ng NFA na bumili ng palay at mag-imbak ng bigas kundi ang mga consumer kaya kailangang amyendahan ang nasabing batas sa lalong madaling panahon.

(BERNARD TAGUINOD)

223

Related posts

Leave a Comment