MAG-AMA PATAY SA MOTORSIKLO

BATANGAS – Patay ang isang 45-anyos na lalaki at ang kanyang  8-anyos na anak na babae matapos na ang sinasakyang motorsiklo ng mga ito ay salpukin ng kasalubong na van sa national highway sa Barangay Laiya Ibabao, sa bayan ng San Juan sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi.

Ayon sa San Juan Police, kapwa dead on the spot ang mag-ama dahil sa mga pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Lumabas sa imbestigasyon, magkaangkas ang mag-ama sa motorsiklo nang salubungin ang mga ito ng Starex van kaya nagka-head on collision ang dalawang sasakyan dakong alas-8:30 ng gabi.

Kinilala ang mga biktimang si Joel Puzon at ang kanyang anak na menor de edad, kapwa residente ng Barangay Nagsaulay ng nasabing bayan.

Napag-alaman, susunduin ng mag-ama ang ina ng bata na nagtatrabaho sa isang beach resort sa Laiya, San Juan dahil magdiriwang ng kaarawan ang bata nitong Lunes.

Ayon pa sa imbestigasyon, mahina ang ilaw ng motorsiklo kaya posibleng hindi ito napansin ng nagmamaneho ng kasalubong na van.

Ikinustodiya naman ng mga pulis ng driver ng van na si Ben De los Reyes, tubong Cadiz City, at residente ng Barangay Imelda, San Juan, na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide. (NILOU DEL CARMEN)

46

Related posts

Leave a Comment