MAG-AMA SUGATAN SA PAMAMARIL SA SAN PABLO CITY

LAGUNA – Sugatan ang isang 60-anyos na lalaki at anak nito matapos pagbabarilin sa harap ng kanilang bahay sa Purok 3, Brgy. San Ignacio, San Pablo City pasado alas-8:00 ng gabi noong Martes.

Kinilala ang mga biktimang mag-ama na sina Renan Ongriano, at Joseph Ongriano, 37-anyos.

Batay sa report ng San Pablo City Police, dakong alas-8:20 ng gabi, nakaupo ang mag-ama sa harap ng bahay nang dumating ang suspek na si alyas “Lyndon” at bigla na lamang pinagbabaril ang dalawa.

Agad din itong tumakas matapos ang pamamaril patungo sa remote area ng Brgy. San Joaquin.

Tinamaan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawa na kapwa isinugod sa San Pablo City District Hospital.

Inaalam pa ng pulisya ang posibleng motibo sa pamamaril habang inihahanda na ang kasong double frustrated murder na isasampa laban sa suspek.

(NILOU DEL CARMEN)

171

Related posts

Leave a Comment