MAG-UTOL, ANAK PATAY SA AKSIDENTE SA MOTORSIKLO

BATANGAS – Patay ang magkapatid na lalaki at isang batang anak ng isa sa kanila matapos na ang sinasakyan nilang motorsiklo ay maaksidente sa loob ng isang ekslusibong subdivision sa bayan ng Laurel sa lalawigan noong Linggo ng gabi.

Kinilala ng Laurel Police ang mga namatay na sina Romeo Caiman, 41, driver ng motorsiklo, at mga backrider nito na sina Ronald Caiman, 35, at ang menor de edad na anak ni Romeo.

Batay sa report, mag-aalas-9:00 ng gabi, galing ang tatlo sa Splendido Residential Hotel and Resort sa Barangay Sta. Maria at magkakaangkas sa motorsiklo palabas sa Tagaytay-Nasugbu Highway, nang mawalan ng kontrol sa manibela ang nagmamanehong si Romeo.

Bunsod nito, bumangga ang motorsiklo sa center island at sa lakas ng impact, tumilapon ang tatlo mula sa sasakyan.

Grabeng napinsala ang mga biktimang isinugod ng nagrespondeng mga tauhan ng Laurel MDRRMO at Laurel BFP, sa Dr. Ernesto Malabanan Hospital subalit pawang idineklarang dead on arrival ng doktor.

(NILOU DEL CARMEN)

66

Related posts

Leave a Comment