1 PATAY, 4 SUGATAN SA SALPUKAN NG JEEP AT TRICYCLE

QUEZON – Isa ang patay habang apat ang sugatan nang makasalpukan ng isang jeep ang tricycle na minamaneho ng isang estudyante sa national road sa Brgy. Bignay 1, sa bayan ng Sariaya sa lalawigan noong Linggo ng gabi.

Ayon sa report ng Sariaya Police, nangyari ang insidente dakong alas-9:00 ng gabi habang sakay ang magpipinsang mga biktima sa tricycle na minamaneho ng senior high school student na kinilala sa pangalang “Elwin”. Bigla umanong kumaliwa ang tricycle mula sa highway patungo sa barangay road.

Subalit inabot at nasalpok ito ng pampasaherong jeep na minamaneho ng isang nagngangalang “Romeo” na mabilis na tumatakbo sa kasalubong na linya.

Sa lakas ng pagkakasalpok, nawasak ang tricycle at nasugatan ang driver ganoon din ang magpipinsang sakay na pawang highschool student na kinilalang sina Jhared Rodriguez, 13; Grade 7 student; Lourdinae Rodriguez, Grade 10; Cloe Belle Rodriguez, 15, Grade 10, pawang mga residente ng Barangay Bignay, Sariaya.

Namatay naman ang isang babaeng estudyante na kasakay rin ng mga ito na kinilalang si Jennelyn Escamillas, 15, Grade 10 student, dahil sa grabeng pinsala sa ulo.

Hindi na ito naisugod sa ospital at idineklarang dead on the spot ng mga emergency responder.

Isinugod ang apat na mga sugatan sa Quezon Medical Center Lucena sa Lucena City para malapatan ng lunas.

Tumakas naman ang driver ng nakasalpukang jeep matapos ang insidente.

(NILOU DEL CARMEN)

52

Related posts

Leave a Comment