Malapit sa ambush site ng 4 sundalo 16-ANYOS ESTUDYANTE TINORTYUR, PINATAY

MAGUINDANAO DEL SUR – Natagpuang patay ang isang 16-anyos na estudyante na pinaniniwalaang pinahirapan muna bago pinaslang sa sa bayan ng Datu Hoffer sa lalawigan, malapit sa lugar kung saan napaslang sa ambush ang apat na mga sundalo ng Army.

Kinilala ang biktimang si Abdulrahman Esmail, Hafidz student at residente ng Barangay Tuayan Mother, sa bayan ng Datu Hoffer sa Maguindanao del Sur.

Ayon sa tatay nitong si Salahuddin noong Miyerkoles, si Esmail, na nag-aaral ng Islamic religion, o isang Hafidz sa wikang Arabic, ay natagpuang patay noong Lunes at nakitaan ng mga senyales na pinahirapan muna bago binaril sa dibdib na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Ayon sa report, pasado alas-singko ng hapon noong Linggo nang huli ito makitang buhay habang nagmamaneho ng motorsiklo upang pumunta sa alaga nilang baka na nakatali sa kalapit na niyogan.

May nakakita umano na hinarang ito sa checkpoint ng mga sundalo upang tingnan ang tool box nito.

Kinabukasan, nakita itong walang buhay at base sa paglalarawan ng ama, tinalian sa kamay at paa, binaril sa dibdib, basag ang mukha at ulo ng biktima, indikasyon na tinortyur ang kanyang anak.

Natagpuan ng barangay officials ang bangkay ni Esmail sa isang liblib na bahagi ng Barangay Tuayan sa Datu Hoffer, kung saan napatay sa ambush ang apat na mga sundalo ng 6th Infantry Division matapos tambangan umano ng magkasanib ng mga kasapi ng mga teroristang grupong Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Malaki naman ang paniniwala ni Salahudin na mga sundalo rin ang pumatay sa kanyang anak.

Wala pang pahayag ang 40th Infantry Battalion na siyang may ‘area of responsibility’ sa naturang barangay, at maging ang Datu Hoffer Municipal Police Station, hinggil sa iginigiit ng pamilya ng biktima.

(NILOU DEL CARMEN)

99

Related posts

Leave a Comment