4 SUSPEK SA TAYABAS KILLING KINASUHAN NG DOUBLE MURDER

TAYABAS CITY – Sinampahan na ng kasong double murder ng Quezon PNP ang apat na mga suspek sa pagpaslang sa mag-inang balikbayan sa lungsod.

Ayon kay Quezon PNP Provincial Director PCol. Ledon Monte, ang pagsasampa ng kaso sa apat ay base sa mga testimonya ng mga testigo at sa mga ebidensyang nakuha sa krimen.

Bukod sa pormal na pagsasampa ng kaso, nag-file din ang Quezon PNP ng Immigration Lookout Bulletin order (ILBO) sa prosecutors office dahil ang isa sa mga suspek ay passport holder.

Itinanggi munang pangalanan ng Quezon PNP ang mga kinasuhan.

Ngunit sa naunang press conference na isinagawa sa Quezon PNP Headquarters sa Camp General Nakar noong Martes ng hapon, una nang sinabi ni Monte na ang mga suspek ay ang mga nauna nang itinuturing na ‘persons of interest’ na nakitang magkakasamang nakasakay sa tricycle noong araw na mawala ang mag-ina. Kabilang dito ang isang babae at tatlong lalaki.

Ang mga biktima, si Lorry Litada at ang kanyang Japanese national na anak na si Mai Motegi ay dumating sa bansa mula sa Japan noong Pebrero 20 at napaulat na nawawala noong Pebrero 21.

Noong Marso 14, natagpuan ang naaagnas nang bangkay ng mag-ina na nakalibing hindi kalayuan sa bahay ng kanyang nakatatandang kapatid na babae sa isang subdivision sa Tayabas City.

Sa bahay ng kapatid tumuloy ang mag-ina pagkagaling ng mga ito sa airport.

Ayon pa kay Monte, nakakuha sila ng search warrant sa korte at base sa kanilang isinagawang pagsisiyasat sa bahay at sa pahayag ng mga testigo, nakumpirma na sa loob ng bahay pinatay ang dalawa noong madaling araw ng Pebrero 21, sa pamamagitan ng saksak, sa palo sa ulo at sa pamamagitan ng pagsakal.

Ayon pa kay Monte, ang kanilang mga testigo ay mga kaanak din ng kinasuhang mga suspek.

(NILOU DEL CARMEN)

49

Related posts

Leave a Comment