MOTORSIKLO, CELLPHONE NG ANGKAS DRIVER TINANGAY NG PASAHERO

CAVITE – Pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang pasahero na matapos mag-book sa Angkas driver ay hinoldap at tinangay ang cellphone at motorsiklo nito sa Dasmariñas City nitong Biyernes ng madaling araw.

Personal na humingi ng tulong ang biktimang si alyas “Marlon”, isang Angkas driver, sa Dasmarinas Component City Police Station upang ireklamo ang kanyang pasahero .

Sa kanyang salaysay, dakong alas-2:30 kahapon ng madaling araw nang makatanggap siya ng booking sa isang pasahero mula sa kanilang Angkas apps kung saan susunduin nito sa Brgy. Salitran 2, Dasmariñas City, Cavite.

Pagdating ng biktima sa pinag-usapang lugar, nagkita sila ng kanyang pasahero, subalit imbes na sumakay at magpahatid sa kanyang destinasyon, tinutukan siya ng ‘di nabatid na kalibre ng baril, tinangay ang kanyang cellphone at motorsiklo at pinasibad papalayo.

Patuloy ang isinasagawang backtracking ng pulisya sa Closed Circuit Television (CCTV) para sa pagkakakilanlan ng suspek at mga dinaanan nito.

(SIGFRED ADSUARA)

44

Related posts

Leave a Comment