NADISKUBRENG DROGA SA RESTO SA NAIA, BINUBUSISI NG PDEA

SINIMULAN na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagsisiyasat sa nadiskubreng illegal drugs sa ginibang kusina ng isang eatery sa loob ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.

Ayon sa inisyal na ulat, nadiskubre ng mga karpintero na nagde-demolish sa lumang kusina, ang droga na nakasilid sa tatlong pakete.

Hinala ng mga awtoridad, posibleng matagal na itong nakatago dahil kupas na ang plastic bag.

Maaari umanong sadyang inabandona ang hinihinalang shabu na may bigat na 1.5 kilos at nagkakahalaga ng P11.5 milyon, sa takot na mahuli bunsod ng mahigpit na seguridad na ipinatutupad sa paliparan.

Tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng PDEA at Philippine National Police-Aviation Security Group sa Manila International Airport Authority ukol sa nadiskubreng droga.

Samantala, nasa P8.2 milyong halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska mula sa tatlong drug personality sa buy-bust operation sa C5, Barangay Mabolo, Naga City.

Kinilala ang mga suspek na sina John Carlo Paycana, 22; Jamel Daligdig, 24; at Sobranel Paycana, 39-anyos.

Ayon sa Naga City Police Office, naaktuhan ng mga awtoridad ang mga suspek na nagbebenta ng ilegal na droga kung saan nakumpiska mula kay Daligdig ang 17 piraso ng sachet ng hinihinalang shabu.

Habang nakuha naman ang tig-isang piraso ng sachet ng hinihinalang shabu kina Sobranel at John Carlo Paycana.

Tinatayang umabot sa 1,210 grams ang nasamsam na ilegal na droga at nagkakahalaga ng P8,228,000.

(JESSE KABEL RUIZ)

165

Related posts

Leave a Comment