NAGNAKAW NG ADOBO TINANGAY PATI KALDERO

NUEVA VIZCAYA – Arestado ang apat na lalaki matapos tangayin ang isang kalderong adobo sa isang karinderya sa bayan ng Bagabag, sa lalawigan.

Kaagad namang natimbog ang apat matapos makilala ang mga ito dahil sa kuha ng CCTV ng establisyemento.

Sa nasabing footage ng CCTV, nakita na magkakasunod na dumating ang mga suspek sakay ng dalawang motorsiklo.

Isa sa mga motorsiklo ang huminto sa tapat sa karinderya at bumaba ang nagmamaneho na nakasuot ng itim na t-shirt at puting sumbrero at pumalit sa kanya ang backrider na nakasuot ng basketball jersey.

Nagpalinga-linga muna ito sa paligid at nang makitang walang tao ay mabilis itong tumakbo patungo sa karinderya at dinampot ang isa sa mga kaldero.

Mabilis na tumakas ang mga suspek ngunit natunton ng mga awtoridad at nahuli ang mga ito.

Nabawi naman ang kaldero ngunit ubos na ang laman nitong adobo.

Wala namang masabi ang mga suspek nang tanungin ng pulis hinggil sa dahilan ng kanilang ginawa pero aminado ang mga ito na sila ay nakainom.

Lumabas din sa pagsisiyasat na walang record sa pulisya o barangay ang mga suspek at ito ang unang beses na nasangkot sila sa hindi magandang gawain.

Isinailalim sa inquest proceeding para sa kasong theft ang mga ito pero pinalaya rin matapos na magsumite ng affidavit of desistance o nang iurong ng may-ari ng karinderya, ang demanda.

Nagbayad na lamang ng halagang P1,500 ang mga suspek sa may-ari para sa nawalang adobo.

(NILOU DEL CARMEN)

54

Related posts

Leave a Comment