3 MINORS ARESTADO SA MOTORNAPPING

CAVITE – Nasa kustodiya na ng City Social Welfare and Development (CSWD) ang tatlong menor de edad na mga estudyante na naaresto makaraang tumangay ng nakaparadang motorsiklo sa Imus City noong Huwebes ng madaling araw.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10883 (carnapping) ang naarestong mga suspek na sina alyas “Cedric”, 15, “Levi”, 16, at “King”, 17, pawang mga estudyante at residente ng Talon, Las Piñas City.

Ayon sa ulat, dakong alas-8:30 noong Miyerkoles ng gabi nang iparada ng biktimang si alyas “Jim”, 26, factory worker ang kanyang motorsiklong na may plakang WO 3068, malapit sa kanilang bahay sa Brgy. Malagasang 1-F, Imus City ngunit nang balikan niya noong Huwebes ng umaga ay nawawala na ito.

Ipinagbigay alam nito sa kanilang barangay ang insidente at nakita sa footage ng Closed Circuit Television (CCTV) ang pagtangay ng mga suspek sa motorsiklo.

Ilang oras ang nakalipas nang nakatanggap ng tawag ang Brgy. Malagasang mula sa Brgy. Anabu 1-C hinggil sa tatlong kabataan na inaresto makaraang sumemplang ang sinasakyang motorsiklo nang sitahin dahil sa pag-ikot-ikot sa nasabing barangay.

(SIGFRED ADSUARA)

53

Related posts

Leave a Comment