NBI NAGBABALA SA PAGPIRMA NG QUITCLAIMS SA OSPITAL

NAGBABALA ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa pagpirma ng quit claims ng mga pasyente sa ospital.

Ito ay kasunod ng nangyaring insidente sa isang 10-anyos na lalaki na dumanas ng second degree burn sa kanyang ari, hita at tiyan matapos sumabog ang surgical gloves na umano’y ginamit ng nursing aide bilang hot compress sa pasyente.

Dahil sa pangyayari, nakatakdang ipatawag ng Quezon City Prosecutors Office ang kinatawan ng ospital dahil sa kanilang kapabayaan at kasunod ng reklamo ng ina ng bata na si alyas “Jocelyn ” sa NBI.

Aminado si Jocelyn na hindi niya alam kung paano tutugunan ang pangmatagalang epekto ng pinsala sa kanyang anak.

Napansin din niya ang trauma na pinagdadaanan ng kanyang anak.

Sinabihan din siya ng specialist na ang kanyang anak ay kailangan ng plastic surgery.

Bagama’t binayaran ng ospital ang bill para sa burn treatment ng pasyente, tumanggi si Jocelyn na pumirma sa quitclaim na hiniling ng ospital na kanyang pirmahan.

Aniya, nakasaad sa dokumento na hindi siya hihingi ng danyos pagkatapos nilang ma-discharge.

Sinabi ni NBI Organized and Transnational Crimes Division chief Jerome Bomediano, dapat masusing naipaliliwanag ito sa pipirma o signatory gayundin ay dapat malinaw na naiintindihan ng signatory ang detalye ng dokumento. Dagdag pa na ang signatory ay hindi napilitan upang sumang-ayon sa mga tuntunin.

Sinabi naman ni DOH Deputy Spokesperson Albert Domingo, depende sa sitwasyon, ang mga pasyente ay maaaring magsampa ng reklamo sa Professional Regulatory Commission, sa NBI, o sa Regulation Licensing and Enforcement Division ng DOH.

(JOCELYN DOMENDEN)

73

Related posts

Leave a Comment